Home METRO Top 1 at 6 MWP ng SPD nasakote sa Las Piñas

Top 1 at 6 MWP ng SPD nasakote sa Las Piñas

MANILA, Philippines – Nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Las Piñas police Warrant & Subpoena Section (WSS) at Station Intelligence Section (SIS) ang Top 1 at 6 Most Wanted Person (MWP) ng Southern Police District (SPD) nitong buwan ng Hunyo sa isinagawang magkahiwalay na operasyon Biyernes ng hapon, Hunyo 21.

Kinilala ni Las Piñas police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla ang mga nadakip na suspek na sina alyas Sendong na tinaguriang Top 1 MWP dahil sa kanyang pagkakasangkot sa iba’t-ibang kriminal na aktibidad at isang alyas Marven, 30, na sangkot naman sa dalawang kaso ng rape.

Base sa report na isinumite ni Tafalla sa SPD, unang nadakip ang kilabot na kriminal na si alyas Sendong sa isinagawang manhunt operation ng mga operatiba ng WSS at SIS sa kanyang bahay sa Barangay Manuyo Uno, Las Piñas City dakong alas 4:15 ng hapon.

Si alyas Sendong ay naaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas na inisyu noong Marso 13, 2024 ni Las Piñas City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Victor Ramirez Aguba ng Branch 255.

Ang pag-aresto kay alyas Sendong ay may kaugnayan sa kanyang kinahaharap na kasong murder na may Criminal Case (CC) No. 24-0218 at walang rekomendasyon ng piyansa.

Sinabi ni Tafalla na nahuli naman si alyas Marven bandang alas 5:00 ng hapon sa Hall of Justice, Las Piñas City Hall Compound, Barangay Pamplona 3, sa lungsod.

Konektado ang pag-aresto kay alyas Marven sa kanyang kinahaharap na kasong two counts ng rape sa ilalim ng CC No. 24-0423 at 24-0424 dahil na rin sa inisyung warrant of arrest ni Las Piñas City RTC Presiding Judge Nerina C.N. Anastacio Mendinueto ng Branch 199 noong Abril 30, 2024 na wala ring kaakibat na rekomendasyon ng piyansa.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Las Piñas City Police Station ang dalawang suspects habang naghihintay ng commitment order na galing sa korte para sa paglipat ng kanilang pagkukulungan sa Las Piñas City jail. James I. Catapusan