Home METRO Top 1 most wanted killer ng Region 3 nadakma sa Bulacan

Top 1 most wanted killer ng Region 3 nadakma sa Bulacan

Bulacan- Arestado ang Top 1 Most Wanted Person (Regional, Provincial, City Level) sa kasong murder sa bisa ng Warrant of Arrest (WOA) ng pulisya sa bayan ng Sta. Maria.

Kinilala ng pulisya ang wanted na si alyas “Intoy”, 59, may-asawa, vendor, tubong Sampaloc, Manila at residente ng Brgy. Fatima IV.

Sa report kay Bulacan Police director PCOL. Franklin Estoro, naaresto si Intoy nang silbihan ng WOA ng SJDM police station katuwang ang mga tauhan ng PIT-Bulacan East, RIU 3, IG, 301st MC RMFB 3 at 3rd SOU, PNP Maritime Group bandang alas-11:45 ng umaga nitong Mayo 2, sa Brgy. Poblacion, Sta.Maria.

Nabatid na ang WOA sa kasong murder ay inisyu ng RTC Branch 120, SJDM City, Bulacan nitong March 28, 2025 na walang inirekomendang piyansa.

Sinasabing ang wanted ay kabilang sa apat na suspek sa pagkatay sa pamamagitan ng tadtad ng saksak sa isang 33-anyos na lalaking residente ng Brgy. San Rafael 1 bandang alas-8:50 ng gabi noong August 4, 2024.

Kasalukuyang nasa  SJDM custodial facility ang wanted para sa wastong dokumentasyon. Dick Mirasol III