Home NATIONWIDE Pangalan ni Camille Villar inisnab ni PBBM sa talumpati sa Batangas campaign

Pangalan ni Camille Villar inisnab ni PBBM sa talumpati sa Batangas campaign

MANILA, Philippines- Hindi binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangalan ni Las Piñas Representative at Deputy Speaker Camille Villar sa kanyang naging talumpati sa idinaos na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas campaign sa Batangas City.

Ito ang unang pagkakataon na hindi binanggit ng Pangulo ang pangalan ni Villar sa kanyang campaign speech.

Sa mga naunang campaign rally ng Para sa Bagong Pilipinas, hindi nawawala si Villar na mga ineendorso ni Pangulong Marcos kahit pa may pagkakataon na ‘absent’ si Villar sa campaign rally.

Sa katunayan, nito lamang sortie ng Para sa Bagong Pilipinas campaign sa Quezon ay kasama si Villar sa endorsement speech ni Pangulong Marcos.

Sa pagkakataong ito, wala ang larawan ni Villar mula sa backdrop ng entablado.

Nauna rito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang masusing imbestigasyon kaugnay sa naging pag-iingay ng iba’t ibang grupo na hayagang kinondena ang palpak na serbisyong tubig ng Prime Water sa San Jose Del Monte City (SJDM).

Ang PrimeWater Infrastructure Corporation ay sinasabing kumpanyang pag-aari ng malaking burgesyang komprador na pamilyang Villar.

Ayon kay Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang kakulangan sa serbisyo ay walang puwang sa administrasyon ni Pangulong Marcos.

Sa ulat, ayon sa mga grupong People’s Rights Network at lumahok ang Alliance for Consumer’s Protection (ACP), Water for the People Network (WPN), Koalisyong Makabayan, Gabriela Women’s Party-list, Bayan Muna Party-list, Kabataan Party-list, Migrante Philippines, at iba ’t ibang lokal na samahan sa San Jose Del Monte, Bulacan, magmula nang maitatag ang joint venture o sosyohan ng Prime Water at ng San Jose Del Monte Water District noong 2018, kabi-kabila na ang naging problema ng mga residente ng SJDM sa serbisyo sa tubig.

“Tubig o tulog” ang pinagpipilian araw-araw ng mga residente ng SJDM, kung sila ba ay pipila magdamag para makapag-igib ng baldeng tubig para may gagamitin buong araw o matulog at magtiis sa walang tubig kinabukasan.

Maliban sa madalang na daloy ng tubig, marumi at hindi pwedeng inumin ang tubig, at napakamahal ng kanilang bayarin sa serbisyo.

Nanawagan sila na itigil ang pribatisasyon sa serbisyo sa tubig sa SJDM at sa lahat ng distrito at munisipalidad sa buong bansa, itakwil ang umano’y mapaminsalang joint venture agreement at public private partnership sa mga umano’y ganid sa kapangyarihan at pera na mga oligarkiya. Nanawagan din sila sa mga botante na huwag iboto ang mga kandidato na imbwelto at nauugnay sa pribatisasyon at mga maka-kapitalista umanong polisiya na “nagpayaman lamang sa iilan sa kapinsalaan ng mayorya na mahihirap na konsyumer.”

Tungo rito, inihapag ng mga grupo ang kanilang mga panawagan: Una, ibalik sa local water district ang pangangasiwa at operasyon ng tubig sa SJDM; ikalawa, maglaan ang pamahalaan ng sapat na trabaho at kabuhayan para sa mga taga-San Jose, ang mga lokal na industriya at palawakin ang suporta sa maliliit at katamtamang-laking negosyo at paunlarin ang agrikultura upang lumikha ng sapat na trabaho at kabuhayan ang mga San Joseno; at, ikatlo, tutulan ang pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural at isulong ang katiyakan sa pagkain ng bayan.

Samantala, tila binigyan naman ng ‘benefit of the doubt’ ni Castro si Camille Villar, senatorial bet ng administrasyon sa ilalim ng Alyansa, sa serbisyong maibibigay nito kapag nahalal na siya bilang senador ng bansa.

Samantala, sa buong Pilipinas, umabot na sa 161 water district mula sa mga syudad at munisipalidad ang kontrolado ng PrimeWater sa pamamagitan ng mga joint venture agreements. Tulad ng SJDM, samutsari ring reklamo ang kinakaharap ng kompanya dahil sa palpak na serbisyo. Kris Jose