MANILA, Philippines- Sinuportahan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang kahilingan ng Senate committee on foreign relations na paimbestigahan sa Office of the Ombudsman ang lahat ng opisyal ng Gabinete na sangkot sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kamakailan, isinumite ni Senador Imee Marcos sa kay Ombudsman Samuel Martires ang committee report hinggil sa inimbestigahang isyu ng pag-aresto kay Duterte.
“Dapat mapapanagot kung tunay…kung merong pagkakamali,” ayon kay Dela Rosa sa interview.
Pinakakasuhan sa committee report sina Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, Interior Secretary Jonvic Remulla, Philippine National Police chief Police General Rommel Marbil, at CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III, pagkatapos ng pag-aresto kay Duterte noong March 11.
Base sa committee report, iniulat ni Marcos na natuklasan sa imbestigasyon ang mga pagkilos ng matataas na opisyal ng gobyerno na sakop ng kasong criminal at administratibo.
Inaresto si Duterte ng PNP noong Marso 11 base sa warrant of arrest na ipinalabas ng International Criminal Court (ICC).
Nakakulong ngayon si Duterte sa Scheveningen Prison sa The Hague sa kasong crimes against humanity para sa ipinatupad na extrajudicial killings sa panahon ng drug war.
Kasabay nito, sinagot naman ni Dela Rosa ang sinabi ni Vice President Sara Duterte na isa siya sa susunod na hahainan ng arrest warrant mula sa ICC.
“Sige lang. Wala naman tayong magawa diyan. Wala naman tayong control sa ICC,” ayon sa senador.
Naunang inihayag din ni Sara na nasa listahan din ang kanyang pangalan sa aarestuhin ng ICC.
Pero, aniya, uunahing arestuhin sina Dela Rosa kasama ang iba pang dati at kasalukuyang mga opisyal.
Nagsilbi si Dela Rosa bilang chief implementer ng war on drugs ng administrasyong Duterte bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) na kumitil ng mahigit 30,000 indibidwal kasama ang maraming inosenteng menor-de-edad tulad ni Kian Delos Santos. Ernie Reyes