Home METRO Walang raid sa bahay ni ex-PRRD – PRO-11

Walang raid sa bahay ni ex-PRRD – PRO-11

DAVAO CITY- Mariing pinabulaanan ng tanggapan ng Police Regional Office-11 ang kumakalat sa social media hinggil sa pagsalakay sa bahay ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kahapon sa lungsod na ito.

Inihayag ni PRO-11 Director Police Brig. Gen. Leon Victor Rosete na plano nilang magsagawa ng legal na aksyon laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa umano’y pagsalakay ng mga pulis sa tahanan ni dating PRRD, na nakakulong ngayon sa The Hague, Netherlands na may kinalaman sa crimes against humanity.

Sinabi ni Rosete, na walang naka-iskedyul na operasyon ng alin mang law enforcement unit sa tahanan ni Duterte.

Aniya, walang korte na naglabas ng anumang search warrant laban sa mga ari-arian na nauugnay sa pamilya Duterte.

Dagdag pa ni Rosete na nakipag-ugnayan na rin sila sa CIDG at SAF, at kinumpirma na wala silang ginagawang operasyon sa tahanan ng dating Pangulo at napatunayan na maling impormasyon ang kumakalat.

Dahil sa maling impormasyon, nagtipon-tipon ang mga tagasuporta sa labas ng bahay ni dating Pangulong Duterte para umano pigilan ang pagsalakay sa bahay ng dating Pangulo noong Miyerkules, Abril 30.

Kinondena ni Davao City 1st district Rep. Paolo Duterte ang umano’y harassment ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group laban sa kanyang pamilya.

Iginiit ng mambabatas na ang pamahalaan ay nagpakalat ng pulisya sa Davao City, kabilang ang 30 operatiba ng CIDG at 90 miyembro ng Special Action Force mula sa Luzon.

Sinabi ni Gen. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP sa isang press briefing sa Camp Crame, Quezon City noong Huwebes, Mayo 1, na itinanggi ni CIDG Director Police Major Gen. Nicolas Torre III ang anumang patuloy na operasyon sa Davao City. Mary Anne Sapico