Home METRO Top 1 most wanted sa Maynila, arestado

Top 1 most wanted sa Maynila, arestado

218
0

MANILA, Philippines – Iprinisinta ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang itinuturing na No. 1 Most Wanted Person sa lungsod ng Maynila, na pangunahing suspek pagpaslang sa isang Criminology Student sa Tondo noong Oktubre 2023, makaraang maaresto ito ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD).

Ayon kay Domagoso, ang suspek na kinilalang si Prince Ethan Cruz ay naaresto ng mga operatiba ng MPD alinsunod sa isang warrant of arrest para sa kasong murder, matapos ang isinagawang manhunt ng district intelligence at tracker teams.

Sa isinagawang livestream ng alkalde, muli nitong iginiit ang matatag na paninindigan ng kanyang administrasyon laban sa kriminalidad at binalaan ang mga lumalabag sa batas na sila ay hahabulin gaano man ito katagal.

“Gusto ko pong ipaalam sa ating mga kababayan sa lungsod na ’yung Top 1 Most Wanted ng City of Manila at ng Manila Police District ay nakalawit na po, nadala na po ng Manila Police District,” pahayag ni Domagoso.

“Kapag ginawa niyo ang krimen sa Maynila, hahabulin namin kayo gaano man katagal—mahaba man o maikli—para kayo ay matagpuan. Wala kayong lugar sa bansang ito kapag gumawa kayo ng krimen sa Lungsod ng Maynila,” dagdag pa ni Yorme.

Sinabi ng alkalde na si Cruz ay itinuring na Top 1 Most Wanted kaugnay ng krimeng naganap noong Oktubre 2023, kung saan ang biktima ay residente ng Tondo, District 2, Maynila, at naaresto sa bisa ng umiiral na warrant of arrest nito sa kasong murder.

Pinuri rin ni Domagoso ang mga pulis ng MPD sa matagumpay na pag-aresto sa suspek nang walang nasawing buhay, at binigyang-diin ang kahalagahan ng disiplinadong operasyon ng pulisya at mahigpit na pagsunod sa due process.

Pinaalalahanan naman ni Yorme Isko ang mga residente na patuloy na poprotektahan ng mga awtoridad ang publiko at papanagutin ang mga kriminal.

“Pumanatag kayo, mga Batang Maynila. Hangga’t nandito tayo, sa lahat ng mga naapi at nabibiktima, gagawin natin ang ating makakaya—sa tulong ng Manila Police District—upang masiguro na ang bawat gumawa ng krimen ay mapapanagot at makakamit ang hustisya,” ani Domagoso. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here