MANILA, Philippines – Nasakote ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Makati City police ang top 3 most wanted person ng station level, Martes ng hapon, Nobyembre 12.
Sa report na isinumite ng Makati City police kay Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Bernard Yang ay kinilala ang inarestong suspect na si alyas John, 25.
Sinabi ni Yang na nadakip ang suspect dakong alas 3:40 ng hapon sa Barangay Sta. Cruz, Makati City.
Ayon kay Yang, naisakatuparan ang pag-aresto kay ayas John sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Makati City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Rosario Ester Balgos Orda-Caise ng Branch 234 kaugnay sa kasong paglabag sa RA 10883 (New Anti Carnaping Act of 2016) ng suspect na may Criminal Case No. 24-02853.
Ang inisyung kautusan ng korte ay may kaakibat na rekomendasyon na piyansa na nagkakahalaga ng ₱300,000.
Kasalukuyang nakapiit ang suspect sa custodial facility ng Makati City police habang naghihintay ng commitment order ng korte para sa paglipat ng kanyang piitan sa Makati City jail.
“This arrest is a testament to the hard work, dedication, and professionalism of our police personnel. Through careful intelligence gathering, effective coordination, and commitment to our mission we able to arrest this wanted criminal,” ani pa ni Yang. (James I. Catapusan)