MANILA, Philippines- Tiklo ang isang high-value target na nakatala bilang no. 3 top most wanted person sa Northern Police District (NPD) matapos makorner ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Caloocan City.
Ayon kay NPD Acting Director P/Col. Josefino Ligan, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni alyas ‘Bugoy’, 18, na nakatala din bilang No. 3 Regional TTMWP at No. 2 TTMWP sa Caloocan police.
Inatasan ni Col. Ligan ang District Special Operations Unit (DSOU) na bumuo ng team para sa gagawing pagtugis sa akusado.
Sa koordinasyon sa Regional Intelligence Unit NCR (NDIT-RIU NCR), RID-NCRPO, DID-NPD at Warrant and Subpoena Section ng Caloocan City Police Station, agad ikinasa ng DSOU ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa CCO Village, Barangay 178, Camarin, dakong alas-11:30 ng umaga.
Ang akusado ay binitbit ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Manuel Isidro Rosauro Antonio V. Barrios, ng Regional Trial Court Branch 126, Caloocan City noong May 19, 2023, para kasong Murder na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
“This successful arrest demonstrates the commitment of the District Special Operation Unit to apprehending wanted criminals and ensuring public safety,” ani Col. Ligan.
“The NPD remains steadfast in its efforts to bring those lawbreakers to justice.” dagdag niya. Merly Duero