Home METRO Top 4 MWP tiklo sa Muntinlupa

Top 4 MWP tiklo sa Muntinlupa

MANILA, Philippines- Arestado ng mga tauhan ng Muntinlupa City police ang No. 4 Most Wanted Person (MWP) sa lebel ng estasyon para sa kasalukuyang buwan Huwebes ng hatinggabi, Abril 3.

Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD) ay kinilala ang nadakip na suspek na si alyas Totoy, 30, junk shop helper at residente ng Barangay Sucat, Muntinlupa City.

Ayon sa SPD, inaresto si alyas Totoy dakong alas-12:10 ng madaling araw sa Barangay Sucat, Muntinlupa City.

Ang pag-aresto sa suspek ay naisakatuparan sa bisa ng isinilbing warrant of arrest ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Unit (WSU) na pinangunahan ni PEMS Renante Jesalva kabilang ang 13 tauhan ng nabanggit na departamento.

Ang warrant of arrest ay inisyu noong Marso 24, 2025 ni Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Romeo Santos Buenaventura ng Branch 256 dahil sa kinahaharap na kaso ng suspek na RA 9165 sa ilalim ng Criminal Case Nos. 20-716 at 20-717 na walang kaakibat na rekomendasyong piyansa.

Makaraan ang pag-aresto sa suspek ay dinala muna ito sa Ospital ng Muntinlupa (OsMun) para sumailalim sa medical at physical examination bago ito dinala sa custodial facility ng Muntinlupa City police habang naghihintay ng commitment order ng korte para sa paglipat ng kanyang pagkukulungan sa Muntinlupa City jail. James I. Catapusan