MANILA, Philippines- Sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) at District Intelligence Division (DID) ng Southern Police District (SPD) ay nadakip ang isang babaeng drug pusher na nakumpiskahan ng P1.3 milyon halaga ng shabu Miyerkules ng gabi, Abril 2.
Kinilala ni SPD director PBGen Manuel Aburgena ang inarestong suspek na si alyas TOL, 27, isang saleslady at naninirahan sa Pasay City.
Base sa report na natanggap ni Abrugena, naganap ang pagdakip kay alyas TOL bandang alas-8 ng gabi sa kahabaan ng Saint Peter Street, Barangay 147, Pasay City.
Sa ikinasang buy-bust operation ay narekober sa posesyon ng suspek ang dalawang heat-sealed transparent plastic bags na naglalaman ng 200 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,360,000.
Ayon kay Abrugena, bukod sa nakumpiskang ilegal na droga ay narekober din kay alyas TOL ang isang mobile phone kung saan hinihinalang naglalaman ng kanyang mga transaksyon sa ilegal na droga, isang brown envelope, at ang P1,000 buy-bust money kasama ang 199 piraso ng tig-P1,000 bogus money na ginamit sa operasyon.
Ang nakumpiskang ilegal na droga na gagamiting ebidensya laban sa suspek ay dinala sa SPD Forensic Unit upang sumailalim sa chemical analysis.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa custodial facility ng SPD at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Pasay City Prosecutor’s Office.
“This successful operation is a reflection of our law enforcement officers’ dedication to eliminating illegal drugs from our communities. We will continue to intensify our efforts to ensure the safety and security of our citizens,” sabi pa ni Abrugena. James I. Catapusan