MANILA, Philippines- Arestado ng mga tauhan ng Pasay City police ang tinaguriang top 6 most wanted person (MWP) station level Biyernes ng tanghali, Mayo 2.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang nadakip na suspek na si alyas Conrado, 37, walang trabaho.
Ayon kay De Sesto, naganap ang pag-aresto sa suspek sa ikinasang manhunt operation ng mga miyembro ng Warrant and Subpoena Section (WSS) bandang alas-11 ng tanghali sa Salud Street, Barangay 3, Pasay City.
Sinabi ni De Sesto na naisakatuparan ang pagdakip kay alyas Conrado bunsod sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Abril 22, 2025 ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Divina Gracia Lopez Peliño ng Branch 116.
Walang inirekomendang piyansa ang nabanggit na hukom para sa pansamantalang kalayaan ng suspek na nahaharap sa kasong qualified theft na nakapailalim sa Criminal Case No. R-PSY-25-00943-CR.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ang suspek habang naghihintay ng commitment order na manggagaling sa korte para sa kanyang paglipat ng kulungan sa Pasay City jail. James I. Catapusan