MANILA, Philippines – Sinabi ni dating Philippine National Police chief at kasalukuyang MMDA general manager na si Nicolas Torre III na ang anumang pagpapatupad ng warrant mula sa International Criminal Court laban kay Sen. Ronald dela Rosa ay dapat ituring na operasyon ng batas at hindi political retaliation.
Ayon kay Torre, kailangang tiyakin muna kung valid at maaaring ipatupad sa Pilipinas ang warrant, pati kung may legal authority ang ahensyang magsasagawa nito.
“The implementation of a warrant is an operation of law. It is not about revenge or anything. It is about law enforcement,” ani Torre.
Dagdag niya, dapat maayos, disiplinado, at may paggalang sa human rights ang anumang enforcement operation upang maiwasan ang gulo at abala sa publiko.
“If it can be enforced without any fuss or noise, that would be the better way,” dagdag niya.
Iginiit din ni Torre na naayos na umano ang usapin sa hurisdiksyon ng ICC dahil miyembro pa noon ng tribunal ang Pilipinas nang mangyari ang mga sinasabing krimen.
Tinawag din niyang “quite unfortunate” ang naging komprontasyon sa Senado sa pagitan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation at supporters ni Dela Rosa, lalo na’t kumalat sa publiko ang CCTV footage ng insidente.
Samantala, sinabi niyang karapatan ni Dela Rosa ang manawagan ng suporta mula sa militar at pulisya, ngunit nasa mga ito pa rin kung susundin nila ang panawagan. RNT/MND