ISA sa mga pangunahing sanhi ng pagsisikip ng trapik sa mga kalye lalo na sa Metro Manila ang street parking. Sa dami ng mga sasakyang walang sapat na garahe o parking space, maraming motorista ang napipilitang iparada ang kanilang mga sasakyan sa gilid ng kalsada kahit pa ito ay pampublikong daan.
Dahil dito, nababawasan ang espasyo para sa maayos na daloy ng trapiko at nagiging sanhi ito ng pagkaantala sa biyahe ng marami. Sa gitna ng patuloy na urbanisasyon at pagdami ng populasyon, mas nagiging malala ang problemang ito kaya’t isinusulong ng mga ahensya ng gobyerno ang pagpapatupad ng street parking ban bilang solusyon.
Mayroon ding grupong nagsusulong ng total ban na sa ating palagay ay hindi katanggap-tanggap at realistic sa kasalukuyang sitwasyon kahit pa ito ay nakasaad sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code na isinabatas noong 1964.
Sa street parking total ban kasi, sinasaklawan nito ang lahat ng kalye maliit man o malaki, mabuhay lanes man o hindi-kaya ang malaking tanong diyan ay saan ipaparada ng ating mga kababayan ang kanilang mga sasakyan? Magiging senaryo ang maya’t-mayang ticketing at towing at posibleng matukso ang enforcer at towing services sa corrupt practices.
Tatamaan din ang kahit sinong driver na bibili ng gamot, pagkain o anomang pangunahing pangangailangan lalo na kung walang drive-thru ang establisimyento o parking space.
Kasama rin dito ang magpapark na doktor, abogado, huwes, miyembro ng media, mga nagbibigay ng agarang serbisyo publiko para sa water, power, communication cable utilities at iba pa.
Nakupo, hindi na rin tayo makagagamit ng sasakyan lalo na kung pupunta sa ating simbahan, templo, mosque o bahay sambahan para sa ating Diyos at paniniwala.
Maaaring gawin ang paglalaan ng alternatibong parking spaces; parking permit system para sa mga residente; road widening at sidewalk clearance; pagsasagawa ng public consultation (basic naman iyan); phased implementation sa pagpapatupad; pagbabago sa zoning policies; information and education campaign; at paglalagay ng teknolohiya para sa parking.
Tanggalin natin sa equation ang total ban dahil dagdag na dulot nito ay kalituhan at kaguluhan sa pagitan ng apektadong mamamayan at awtoridad.
Kailangang maging kaakibat ng anomang panukala ang mga konkretong plano, katanggap-tanggap at alternatibong solusyon upang hindi maapektuhan lalong-lalo na ang mga ordinaryong Pilipino.






