Home METRO Totoy pisak sa truck

Totoy pisak sa truck

LILOAN, Cebu- Basag ang bungo ng isang 11-anyos na batang lalaki matapos magulungan ng trak makaraang masagi ang sinasakyang motorsiklo noong Biyernes sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Johannes Earl Dungog, residente ng Barangay Poblacion, Lapu-Lapu City.

Nasa kustodiya naman ng Liloan Police Station ang suspek at driver ng truck na kinilalang si Lemuel Mojillo, 45-anyos at taga-Barangay Lawaan III, Talisay City

Ayon kay Police Major Eric Gingoyon, hepe ng Liloan Police Station, bandang alas-9:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa Barangay Jubay, Liloan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, angkas ang biktima sa minamanehong motorsiklo ng ama nitong si Rogelio Dungog Jr., 53, patungong hardware sa nasabing lugar.

Habang binabaybay ng mag-amang Dungog ang kalsada ay bigla na lamang umanong nag-overtake ang truck hanggang sa masagi nito ang likurang bahagi ng motorsiklo ng mga biktima.

Dahil dito, tumilapon sa kalsada ang bata hanggang sa magulungan ang ulo nito ng trak na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Dinala naman sa ospital ang matandang Dungog para lapatan ng lunas ang tinamong sugat.

Inihanda na ang kasong isasampa laban sa suspek. Mary Anne Sapico