MANILA, Philippines- Nilinaw ng Davao court na ang temporary protection order (TPO) na iginawad pabor sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ay hindi upang ipawalang-bisa ang warrant of arrest na inisyu laban sa pinuno nitong si Apollo Quiboloy.
“To emphasize, the issued TPO did not cancel or nullify the processes related to warrants of arrest,” giit ng Davao Regional Trial Court (RTC) Branch 15 sa kautusang ipinost ng One Mindanao Regional TV.
“Both serve different purposes and are not contradictory with each other,” dagdag nito.
Subalit, binigyang-diin ng RTC na dapat ipatupad ang arrest warrants sa makatwirang pamamaraan.
“Any act beyond its usual prescription must be with judicial imprimatur before it is carried out. Otherwise, the rights sought to be protected by the TPO will be put to naught,” anito.
Nitong Martes, nagpalabas ang korte ng TPO na inaatasan ang Philippine National Police (PNP) na tigilan ang mga aksyon nito na nagsisilbing banta sa kaligtasan at seguridad ng KOJC members sa pagtatangkang isilbi ang arrest warrants laban kay Quiboloy.
Gayundin, inatasan ng korte ang ang PNP na “remove all forms of barricades, barriers or blockades that bar the access to and from the subject compound.”
Patuloy namang nananatili ang mga pulis sa lugar, kung saan sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos na hindi pinatigil ng TPO ang kanilang operasyon.
Dahil dito, inihirit ng KOJC sa Davao court na magpalabas ng show-cause order laban sa ilang opisyal.
Nahaharap si Quiboloy sa kaso sa ilalim ng Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Gayundin, nahaharap siya sa non-bailable qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, as amended, sa Pasig court. RNT/SA