Home OPINION SAFETY AND HEALTH PROGRAM, KAILANGAN PA BA ITO?

SAFETY AND HEALTH PROGRAM, KAILANGAN PA BA ITO?

MALAKING tulong para sa mga negosyante at manggagawa ang pagsasakatuparan ng tinatawag na Occupational Safety and Health Program.  Maliban sa requirement na Rule 1020 o Registration of Establishment na nakapaloob sa ilalim ng umiiral na batas sa OSH, obligado rin ang bawat employer na gumawa at magsumite ng naturang programa sa nakasasakop na regional office ng labor department.

Isang mabisang paraan kasi ito upang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng bawat manggagawa. Siyempre, kailangang kumpleto at komprehensibo ang nilalaman ng dokumentong ito. Upang makasiguro, may available na template na maaaring magagamit at magsisilbing batayan ng compliance.  Kapag pasado sa labor department ang dokumentong naisumite, inaprubahan nila ito bilang opisyal na polisiya ng kompanya sa OSH at magiging gabay ng lahat para sa labor protection.

Sakop nito ang lahat ng uri ng negosyo. May OSH program para sa maliliit na establisimyento na may kakaunting empleyado at meron din namang para sa malalaking kompanya na malaki ang populasyon ng nagtatrabaho. May angkop na OSH program din para sa mga negosyong nasa low, medium at high risk category.

 Kabilang sa nilalaman ng programa ang pirmadong commitment ng bawat employer o kanyang kinatawan. Isa itong pagpapakita na alam at kusang tinatanggap nang pumipirma ang kanyang obligasyon at liability sa OSH.

Kailangang ding isumite kasama ng programa ang risk assessment sa bawat aktibidades na mayroong significant risk. Sa pamamagitan nito, nalalaman na agad ng mga nagtatrabaho ang mga hazard at kung gaano ito kapanganib. At dahil nga hindi naman maiiwasan lagi ang panganib dahil sa hinihingi ng pagkakataon, may kalakip naman itong mga detalyadong solusyon na kinakailangan upang mabawasan ang posibilidad na mangyari ang aksidente at sakit.

At dahil may proteksyon ang mga manggagawa mula sa programa, maaaring sabihin na protektado ang produksyon at negosyo dahil walang nasasayang na buhay, oras at pera ng dahil sa aberya.

Tiyak na marami pa tayong matututunan kung babasahin natin ang iba pang elemento ng OSH program sa Chapter 4, Section 12 ng DO 198-18 ng labor department.

                                                                                                                                ∞∞∞

 Pagbati para sa mga kasamahan nating opisyal ng National Press Club of the Philippines na nanumpa nito lamang nakaraang Martes kay PBBM sa Malacanan Palace. Hindi matatawaran ang ipinapakita ninyong kasipagan at katalinuhan upang mas lalong mapalago ang interes ng ating samahan. Mabuhay!!!