MANILA, Philippines – Bumaba ng 30.4 percent ang trade deficit ng bansa noong Mayo, ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang ulat na inilabas noong Biyernes, Hunyo 20, sinabi ng PSA na ang pagitan ng halaga ng pag-export at pag-import, ay nagtala ng kakulangan na USD3.29 bilyon, mas mababa sa USD4.73 bilyong trade gap noong Mayo noong nakaraang taon.
Ang kabuuang benta sa pag-export ay tumaas ng 15.1 percent sa USD7.29 bilyon mula sa USD6.33 bilyon noong Mayo 2024.
Patuloy na nangungunang export ng bansa ang mga Electronic Products na may kabuuang kita na USD3.84 bilyon, mas mataas kaysa sa naitala na USD3.56 bilyon noong nakaraang taon.
Sinundan ito ng iba pang manufactured goods, machineries at transport equipment, copper concentrates, at gold.
Ang Estados Unidos, bilang major trading partner, ay nagtala ng pinakamataas na halaga ng pag-export na may katumbas na USD1.115 bilyon o 15.3 percent ng kabuuang pag-export ng bansa noong Mayo ngayong taon.
Ang iba pang top export trading partners ng Pilipinas ay ang Hong Kong, Japan, People’s Republic of China, at Singapore.
Samantala, ang kabuuang halaga ng mga imported goods ay bumaba ng 4.4 percent, mula USD11.06 bilyon noong nakaraang taon ay naging USD10.58 bilyon.
Iniuugnay ng PSA ang pagbaba ng USD767.32 milyon sa pagbaba ng halaga ng mga imported mineral fuels, lubricant, at iba pang mga kaugnay na materyales.
Bumaba din ang halaga ng mga metalliferous ores at metal scrap, cereals at cereal preparations, feeding stuff para sa mga hayop, at iron at steel noong buwan.
Ang China ang pinakamalaking supplier ng imported goods ng bansa na nakapagtala ng USD3.15 billion o 29.7 percent ng kabuuang import noong Mayo.
Ang iba pang nangungunang pinagmumulan ng pag-import ay ang mga bansang Indonesia, Japan, Republic of Korea, at US. RNT/MND