Home NATIONWIDE Traffic enforcer dedo sa bangga ng motor

Traffic enforcer dedo sa bangga ng motor

CEBU CITY — Patay ang isang traffic enforcer matapos mahagip ng rumaragasang motorsiklo habang tumatawid sa kalsada, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktima na si Anthony Etulle Fortes Jr., 36, traffic enforcer ng Cebu City Transportation Office (CCTO) at residente ng Barangay Calamba sa nasabing lungsod.

Sumuko naman sa pulisya ang suspek at driver ng Yamaha YZF-R3 na si Eligius John Tejedor Villasin, 25, residente ng Barangay Pajac, Lapu-Lapu City.

Batay sa ulat ng Traffic Enforcement Unit ng Cebu City Police Office, bandang alas-9:30 ng gabi noong Miyerkules, Mayo 7, 2025, nang maganap ang insidente sa kahabaan ng V. Rama, Barangay Calamba.

Sa imbestigasyon ng pulisya, tumatawid ang biktima sa nasabing kalsada nang bigla itong mahagip ng motorsiklo na minamaneho ng suspek.

Dahil sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang biktima at tumama ang kanyang ulo sa sementadong kalsada, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Traffic Enforcement Unit ang suspek at nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide. (Mary Anne Sapico)