MANILA, Philippines – Nakipagpulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga opisyal ng ilang paaralan nitong Huwebes, Hulyo 3 para talakayin ang mga hakbang sa pagpapaluwag ng trapiko sa mga chokepoint malapit sa mga eskwelahan sa Metro Manila.
Sa pagpupulong sa MMDA head office sa Pasig City, tinukoy ni MMDA Chair Romando “Don” Artes ang matinding trapiko sa Ortigas area, partikular sa paligid ng La Salle Greenhills at Saint Pedro Poveda College.
Ayon kay Artes, nagsimula na ang paglalagay ng closed-circuit television (CCTV) cameras sa mga kalsadang papunta sa mga paaralan bilang bahagi ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).
“We have observed traffic buildup at several schools due to the volume of vehicles conveying and fetching students, occupying two or three lanes. We have to do something about it to improve the traffic flow,” ani Artes.
Sinabi rin niyang suportado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapatupad ng NCAP upang maisulong ang disiplina sa kalsada.
Magpapatuloy din ang deployment ng mga traffic enforcer sa paligid ng mga paaralang nangangailangan ng mas mahigpit na pamamahala sa trapiko.
Dumalo rin sa pulong ang mga kinatawan mula sa La Salle Greenhills, Saint Pedro Poveda College, Ateneo De Manila University, Miriam College, Xavier School, at Immaculate Conception Academy, na nagpahayag ng suporta sa NCAP at handang makipagtulungan upang maibsan ang pagsisikip ng daloy ng sasakyan sa kanilang lugar.
Sa nasabing meeting, ibinahagi ni Quezon City Assistant City Administrator for Operations Alberto Kimpo na bumuti na ang trapiko sa Katipunan Avenue mula nang ipatupad ang mga intervention measure gaya ng zipper lane tuwing rush hour. RNT/JGC