MANILA, Philippines- Hinimok ng transport group nitong Martes ang Department of Education (DepEd) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na isama ang road safety literacy sa kanilang curriculum upang tumulong sa pagpapahusay ng public discipline at education sa traffic rules.
Sinabi ni Leonard Bautista, executive vice president ng Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP), na dapat turuan ang publiko, hindi lamang mga motorista, ukol sa road signs at safety measures.
“Isa sa sinasabi namin na sana maimprove at maisama sa curriculum ng TESDA, DepEd yung ating road safety kasi kailangan kahit yung mga ordinaryong estudyante at mananakay ay malaman yung mga road signs at road safety para kahit papano pag naging matured na sila, sila mismo disiplinado na din,” pahayag ni Bautista sa isang press conference.
Inihayag ito ni Bautista kasunod ang alalahanin ng ilang modern jeepneys na nagkokompetensya sa pagkuha ng mga pasahero.
Aniya, ito ay dahil sa kakulangan ng wastong loading at unloading areas.
“Kailangan yung disiplina magsisimula sa mga mananakay. Kung maayos natin yung mindset ng ating mga estudyante o mga mananakay, tuloy-tuloy pati mindset ng mga driver at sistema sa ating transportation,” pahayag ni Bautista.
Noong Marso, isinulong ng Department of Health ang pag-amyenda sa mga umiiral na polisiya na may kinalaman sa road safety sa paglalatag nito ng mga alalahanin sa dumaraming bilang ng mga namamatay at nasusugatan sa road accidents.
Kabilang dito ang pagtatakda ng speed limits sa ilang kalsada, paglalagay ng anti-lock braking system sa mga motorsiklo, at pagpapatupad ng epektibong engineering design para sa public utility vehicles.
Noong 2017, lumagda ang DepEd at ang Land Transportation Office ng memorandum of agreement upang isama ang road safety program sa K-12 curriculum sa pagsisikap na maibaba ang bilang ng road accidents. RNT/SA