Home HOME BANNER STORY Transport strike kasado sa Agosto 10–12 para sa hirit na dagdag-pasahe

Transport strike kasado sa Agosto 10–12 para sa hirit na dagdag-pasahe

1
0

MANILA, Philippines – Magsasagawa ang transport group na MANIBELA ng tatlong araw na transport strike mula Agosto 10 hanggang 12 kung hindi aaprubahan ng pamahalaan ang hinihingi nitong provisional fare increase, ayon kay chairperson Mar Valbuena nitong Martes.

Sinabi ni Valbuena na maaari pa ring kanselahin ang tigil-pasada kung pahihintulutan ng mga awtoridad ang pansamantalang dagdag-pasahe o aalisin ang suspensyon sa naunang inaprubahang P1 fare increase.

“Tuloy po ito. Depende po ito kung lalabas po ‘yung provisional fare increase na sinasabi natin,” ani Valbuena.

Humihiling ang MANIBELA ng pansamantalang P2 dagdag-pasahe habang dinidinig pa ang kanilang petisyon dahil patuloy umanong pinapasan ng mga jeepney driver at operator ang mataas na presyo ng langis.

Ayon kay Valbuena, maaaring magbigay ang P2 dagdag-pasahe ng humigit-kumulang P200 karagdagang kita kada araw sa mga driver na bumibiyahe sa malalayong ruta, ngunit hindi pa rin ito sapat para mabawi ang tumataas na operating expenses.

Nauna nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na irerekomenda nito sa Department of Transportation ang pansamantalang fare hike at fuel discounts matapos ang pagdinig sa mga petisyon ng transport groups.

Itinanggi ni Valbuena na malaking magpapataas sa inflation ang dagdag-pasahe, at iginiit na ang mataas na presyo ng petrolyo ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Tinawag din niyang hindi sapat ang oil price rollback na ipinatupad nitong Agosto 4 batay sa galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa Department of Energy, bababa ng P0.73 kada litro ang presyo ng lahat ng uri ng gasolina mula Agosto 4 hanggang 10. Bababa rin ng P0.60 kada litro ang diesel, kabilang ang Diesel Plus, at P2.09 kada litro ang kerosene.

Gayunman, tataas nang hanggang P3.67 kada kilo ang presyo ng LPG ngayong Agosto, katumbas ng P40.38 para sa 11-kilogram na tangke.

Kinuwestiyon din ni Valbuena ang hindi pagdalo ng mga kinatawan ng DOE, Department of Finance, at Department of Economy, Planning, and Development sa pagdinig ng LTFRB. Aniya, dapat nilang ipaliwanag ang fuel pricing, excise taxes, at tugon ng pamahalaan sa mga hinaing ng transport sector.

Sinabi naman ni LTFRB chairperson Vigor Mendoza II na iimbitahan sa susunod na pagdinig ang mga kinatawan ng Department of Economy, Planning, and Development, Department of Labor and Employment, at DOE.

Humingi si Valbuena ng pang-unawa sa mga commuter at sinabing huling paraan na ang transport strike dahil marami nang jeepney driver ang tumigil sa pamamasada bunsod ng mataas na presyo ng gasolina. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here