Home HOME BANNER STORY Transport strike ng Manibela vs PUV modernization umarangkada

Transport strike ng Manibela vs PUV modernization umarangkada

MANILA, Philippines- Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga miyembro ng transport group Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon o Manibela nitong Lunes upang muling ihayag ang kanilang oposisyon sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.

Sa Nagtahan sa Manila, sinimulan ng mga miyembro ng Manibela ang kanilang kilos-protesta ng alas-8 ng umaga, ayon sa ulat.

Nagtipon ang mga driver na kabilang sa Paco-Rotonda-Nagtahan Jeepney Operators Drivers Association na parte ng Manibela sa kanilang terminal kung saan iginarahe ang kanilang mga traditional jeep.

Samantala, sa Caruncho Avenue sa Pasig City, inumpisahan din ng drivers na kabilang sa Manibela ang kanilang welga ng alas-8 ng umaga.

Bimibiyahe ang mga driver na nakiisa sa kilos-protesta sa rutang Pasig-Bagong Bayan, Pasig-Pateros, at Pasig-Palengke Quiapo.

Isinama rin nila ang kanilang mga pamilya upang ipakita na nakaaapekto ang PUVMP sa kanilang hanapbuhay.

Ayon sa mga raliyista, inaasahan nilang mas maraming Manibela drivers ang lalahok sa kanilang kilos-protesta ngayong araw.

Ayon sa Manibela members, ipagpapatuloy nila ang kanilang protesta kahit na itinuturing na ang kanilang units na colorum, hangga’t hindi pinakikinggan ng gobyerno ang kanilang apela kontra PUVMP. RNT/SA