MANILA, Philippines – Tiniyak ng mga organizer ng Traslacion ng Nazareno 2024 na “all systems go “ na ang lahat ng preparasyon.
Sinabi ni Quiapo Church rector Fr. Jun Sescon, sa tulong ng lahat ng sektor, pamahalan, volunteer groups at taong simbahan ay handang-handa na para sa security at pagiging taimtim ng Traslacion.
Bukod sa lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila, nakipagtulungan din ang organizers sa iba pang ahensya ng gobyerno at pribadong organisasyon upang matiyak na maayos at payapa ang Traslacion.
Kasama rito ang Philippine Natinal Police (PNP), Department of the Interior and Local Government, Department of Public Works and Highways, Department of Health, Philippine Coast Guard at ang Philippine Red Cross.
samantala, sinabi ni PNP spokesperson Col.Jean Fajardo na nananatili silang naka-alerto sa anumang banta sa seguridad na maaaring makagulo sa pagdiriwang.
Pangungunahan ni Manila Archbishop cardinal Jose Advincula ang Fiesta Mass Martes ng hatinggabi sa Quirino Grandstand na inaasahang dadagsain ng mga deboto.
Magsisimula ang prusisyon magaang-maaga ng Martes, Enero 9 mula Quirino Grandstand sa Luneta hanggang Minor Basilica ng Itim na Nazareno sa Quiapo.
Tampok ngayon ang glass case na andas ng imahe ng Itim na Nazareno upang maprotektahan ang imahe gayundin ang mga dadalo o deboto.
Hinihikayat din ang mga deboto na magsuot ng face masks habang dumadalo ng misa sa Quaipo Church at sa Traslacion.
Muling ibinalik ang tradisyunal na Traslacion makalipas ng tatlong taong suspensyon dahil na rin sa COVID-19 pandemic. Jocelyn Tabangcura-Domenden