MANILA, Philippines – Nanawagan si Bicol Saro Partylist Rep. Brian Raymund Yamsuan na pondohan ng Maharlika Investment Fund (MIF) at maibalik sa dating biyahe ang Bicol Express.
Muling iginiit ng mambabatas na malaki ang magagawa ng MIF sa muling pagsasaayos ng kilalang Bicol Express upang mabuhay at maibalik sa dating sigla ang rail industry sa bansa.
Ang pagmomodernisa aniya sa Bicol Express ng Philippine National Railways (PNR) ay siyang bubuhay sa world-class train system sa kasalukuyang North- South Commuter Railway (NSCR) project na siyang kokonekta sa iba’t ibang lalawigan sa Luzon.
“The Maharlika fund can get the Bicol Express back on track and be a key element in the rebirth of a robust rail sector in the country. Investing in reconstructing the legendary Bicol Express means accelerating South Luzon’s economic growth. It means creating tens of thousands of jobs and livelihood opportunities. It promotes a mass transport system that is fast, efficient, affordable, emits less air pollution and reduces traffic congestion.”
Tinukoy ni Yamsuan ang pag-aaral ng World Bank na ang tren, maging diesel- o electric-powered ay parehong mabuting proyekto at mababa lamang ang emissions kada pasahero at tone-toneladang kargamento kumpara sa iba’t ibang behikulo o sasakyang sabay-sabay na tatakbo sa mga lansangan.
Maging ang pag-aaral aniya ng International Energy Agency (IEA), ay nagsasabing ang riles ay higit na makawalong porsyentong maigi sa pagbiyahe sa mga kargo at pitong porsyento sa freight transport, dahil na sa dalawang porsyento lamang na transport energy ang kinakailangan sa buong mundo.
Ang pagbuhay ni Yamsuan sa kaniyang panukala ay kaniyang binigyang diin kasunod ng inaugural board meeting noong nakaraang linggo ng Maharlika Investment Corporation (MIC), na siyang naatasan ng gobyerno na mangasiwa sa MIF.
Ang pagbuhay sa Bicol Express o mas kilala ngayon bilang South Long Haul Project ay maaaring maging pinakamalaking investment ng MIF sa sektor ng transportasyon dahil ito ang pangunahing infrastructure flagship projects ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Naunang pinuri ni Yamsuan ang muling pagbubukas at biyahe ng PNR mula Naga City sa Camarines Sur patungong Legazpi City sa Albay kasabay ng kaniyang pag-asa na ang positibong pagbabago na ito ang siyang magdadala sa buong operasyon at pagbuhay sa Bicol Express line.
“We cannot just start and end with the NSCR in implementing long-haul rail projects and leave the southernmost part of Luzon with a patched-up rail system. Reviving our rail industry should include reconstructing and modernizing Southeast Asia’s oldest train service, which is the Bicol Express,” dagdag ni Yamsuan.
Ang NSCR ang kokonekta sa Bulacan patungong Clark International Airport sa Pampanga sa norte at Metro Manila at Laguna sa Timog samantalang ang unang linya ng South Long Haul Project ay kokonekta naman sa Laguna at iba mga bayan sa lalawigan ng Quezon, at ilang lalawigan sa Bicol gaya ng Camarines Sur at Albay. Meliza Maluntag