Home NATIONWIDE Security measures paiigtingin ng MIAA sa P11.4M shabu sa NAIA

Security measures paiigtingin ng MIAA sa P11.4M shabu sa NAIA

MANILA, Philippines – Paiigtingin pa ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang security measures nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasunod ng pagkakadiskubre ng P11.4 milyong halaga ng shabu sa isang out-of-service kitchen area sa paliparan.

Sa pahayag nitong Lunes, Enero 8, ipinag-utos ni MIAA General Manager Jose Eric Ines ang buong pagsisiyasat ng K9 at pagkokordon sa lugar kasunod ng insidente.

“This incident, while concerning, highlights the vigilance and effectiveness of our security measures,” ayon kay Ines.

“We remain on full alert, with the ultimate goal of ensuring a drug-free workplace. These discoveries, although significant, are part of an ongoing investigation that reflects our unwavering dedication to the safety and security of all individuals within the airport premises,” dagdag pa niya.

Sa ulat nitong Linggo, natagpuan ng mga construction worker ang tatlong malalaking pakete ng umano’y shabu sa grease trap na inaalis nila sa isang lumang kainan sa NAIA Terminal 1.

Matagal na umanong nakalagay ang pakete sa grease trap dahil nag-iba na rin ang kulay nito.

Sinabi ni Ines na nakipagkita na siya sa MIAA Security Block at makikipagkita rin sa iba pang ahensya gaya ng Philippine Drug Enforcement Agency at National Bureau of Investigation upang palakasin ang koordinasyon at intelligence sharing upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa mga susunod.

Aniya, patuloy ang MIAA sa pagpapalakas ng security protocols bilang tugon sa mga insidenteng ito. RNT/JGC

Previous articleBicol Express isinusulong na mapondohan ng Maharlika Investment Fund
Next articleRoof deck ng high-rise building sa Makati, nasunog!