Home METRO Travel agency sa Bulacan ikinandado ng DMW

Travel agency sa Bulacan ikinandado ng DMW

MANILA, Philippines- Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang travel agency sa Malolos City, Bulacan dahil sa ilegal na pag-recuit ng mga manggagawang Pilipino para sa bogus na trabaho sa Europa kapalit ng malaking fee.

Pinangunahan ni Undersecretary Bernard P. Olalia, pinuno ng DMW’s Licensing and Adjudication Services cluster, ang closure operations kasama ang Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) sa koordinsyon sa Malolos City police, sa High Dreamer Travel and Tours Services office sa No. 0106 Paseo del Congreso, Catmon, Malolos, Bulacan, nitong Biyernes ng umaga.

“Once again, the Filipino Community in Poland proved to be a valuable ally in stopping these illegal activities. We thank them for their vigilance in reporting the illegal activities of High Dreamer to our Migrant Workers Office in Prague (MWO-Prague),” sinabi ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac .

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nag-aalok ang ahensya ng mga trabaho tulad ng production workers, agricultural workers, cleaners, restaurant workers, construction worker, at cleaners sa iba’t ibang bansa sa Europe, partikular na ang Croatia, na may buwanang sweldong P70,000 at P80,000.

Nabatid na ang High Dreamer ay nangolekta ng processing fee na P100,000 at placement fee na P300,000 sa bawat aplikante. Ang pagbabayad ay hindi maibabalik at maaaring bayaran sa tatlong yugto.

Ang mga opisyal at tauhan ng High Dreamer ay mahaharap sa mabibigat na kaso ng illegal recruitment, isasama sa “List of Persons and Establishments with Derogatory Record” ng DMW, at pagbabawalan sa paglahok sa programa ng recruitment ng gobyerno sa ibang bansa.

Ang pagsasara ng travel agency ay ang ika-10 closure operation mula noong Enero 2024 na isinagawa ng DMW para masugpo ang illegal recruitment na nambibiktima sa mga OFW at aplikante na gustong magtrabaho sa ibang bansa.

Hinihimok ng DMW ang iba pang mga aplikante na naging biktima ng mga ilegal na aktibidad ng High Dreamer na makipag-ugnayan sa MWPB para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa travel agency.

Maaaring makipag-ugnayan ang MWPB sa pamamagitan ng kanilang Facebook page sa https://www.facebook.com/dmwairtip at sa pamamagitan ng kanilang email sa [email protected]. Jocelyn Tabangcura-Domenden