MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Senado ang isang panukalang batas na ginawang mandatory ang pagtatanim ng puno sa lahat ng magsisipagtapos ng senior high school at kolehiyo sa buong bansa bilang “civic duty” sa bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Senador Cynthia Villar, chairman ng Senate committee on environment and natural resouces na naglalayong gawing institusiyunal ang pagtatanim ng puno bilang civic duty ng nagsipagtapos na makatutulong sa pangangalaga ng kapaligiran.
Ayon kay Villar, layunin ng Senate Bill No. 2834. o ang “Tree Planting Legacy of Graduates Act of 2024,” sa ilalim ng Committee Report No. 330 na tugunan ang hamon sa kapaligiran, partikular sa epekto ng climate change.
Layunin din nitong pagyamanin ang kultura ng responsibilidad sa kapaligiran sa ating kabataan.
Sinabi ng senador na nagbibigay ng proaktibong solusyon ang panukala para sa yaman ng bansa laban sa pananalasa ng climate change para sa susunod na henerasyon.
“Beyond responding to immediate needs, this bill proposes long-term ecological benefits that will serve as a foundation for sustainable development. Central to this initiative are the trees that graduating students will plant—trees that will help restore ecosystems, protect communities, and mitigate the effects of climate change,” paliwanag ni Villar.
Sa kabilang banda, sinabi niya na ang benepisyo ng puno ay napakalawak.
“Trees play a vital role in addressing climate change by absorbing carbon dioxide, a major contributor to global warming. They act as natural barriers against floods, stabilize soil, and reduce the risk of landslides, particularly in vulnerable areas,” aniya.
Sinabi din ng senadora na ang mga puno ay nakakatulong na kontrahin ang epekto ng urban heat sa siyudad.
Higit pa rito, nililinis ng puno ang kalidad ng hangin at sinusuportahan ang biodiversity sa pamamagitan ng pagbibigay ng tirahan sa iba’t ibang uri ng hayop.
Ang Committee Report, ay pinagsama-samang panukala ng Committees on Environment, Natural Resources and Climate Change, Higher, Technical and Vocational Education, Basic Education, and Finance.
Kapalit nito ang Senate Bill No. 1538 naunang inihain na Senate Bill Nos 2228 at 2691.
Ayon kay Villar, napapanahon ang panukala na dumating sa isang kritikal na sandal habang nahaharap ang bansa sa patuloy na pagkasira ng kapaligiran sanhi ng bagyo at iba pang kalamidad.
“In July 2024, Typhoon Carina, combined with the southwest monsoon (Habagat), severely impacted Northern and Central Luzon, Metro Manila, and Southern Luzon, displacing more than 211,000 people and affecting 1.3 million Filipinos. The typhoon caused significant damage to infrastructure and agriculture, with the Department of Agriculture estimating losses at ₱696 million, severely affecting rice, corn, and other essential crops,” aniya.
Noong unang bahagi ng Setyembre 2024, sinabi niya na pinalala ng bagyong Enteng (international name Yagi) ang sitwasyon, partikular sa Luzon at Visayas.
Ang mga madalas na sakuna na ito, ani ng senador, ay nagbibigay-diin sa kagyat na pangangailangan na tugunan ang pagkasira ng kapaligiran at palakasin ang disaster resilience sa Pilipinas. Ernie Reyes