CABANATUAN CITY-HINDI na umabot pa health center para magpa-konsulta sana ang isang tricycle driver na umano’y may epilepsy matapos mahulog at malunod sa irrigation canal habang nakaligtas ang 7 sakay nito kabilang ang mga anak at asawa, iniulat kahapon, Nobyembre 19 sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktima sa pangalan Jerry , 48-anyos, habang nakaligtas naman ang pitong kaanak, kabilang ang dalawang sanggol at dalawa pang bata, at lahat ay taga–Cabanatuan City.
Batay sa report ng Nueva Ecija Bureau of Fire Protection Special Rescue Force (NEBFP-SRF) at Cabanatuan Fire Station, naganap ang insidente bandang 10:00 AM noong Martes sa Barangay Bakod Bayan, ng nabanggit na lungsod.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, patungo sana sa health center ang mga biktima at habang binabaybay ang naturang kalsada bigla na lamang bumangga sa isang poste ang tricycle na minamaneho ni Jerry.
Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ang mga biktima sa irigasyon subalit hindi na nailigtas pang buhay si Jerry matapos malunod dahil sa pagsumpong umano ng kanyang karamdaman.Mary Anne Sapico