AKLAN- TUGIS ngayon ng mga awtoridad ang isang tricycle driver matapos ireklamo ng kanyang pasaherong babae na ninakawan ng halik, kahapon, Oktubre 21 sa bayan ng Kalibo.
Personal na nagtungong sa himpilan ng Kalibo Municipal Police Station ang biktima na itinago sa pangalang Chloe, 19, matapos pormal na magsampa ng reklamo laban sa suspek.
Batay sa report ng Kalibo-MPS, 5:30 PM sumakay siya sa suspek at nagpahatid sa Laserna St., subalit dinala siya ng suspek sa Pook Jetty Port at sinabing mamasyal sila.
Sinabi ni Chloe, pagdating sa lugar bigla na lamang siyang hinihimas ng suspek at naging kalmado na lamang siya sa takot baka patayin siya.
Makalipas ang ilang minuto ay bigla na lamang siyang hinalikan, kaya napahagulgol siya ng iyak dahilan para ibalik siya ng suspek sa lugar kung saan siya sumakay saka mabilis na sumibad.
Nakuha naman ng biktima ang body number ng tricycle at tinurn-over ito sa Traffic and Transport Management Division, Kalibo para mabilis na matunton ang suspek managot. Mary Anne Sapico