MANILA, Philippines – NASA mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos maaresto ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief P/Lt. Restie Mables ang naarestong suspek na si alyas “Jerome”, 31, pintor ng Brgy. 18 ng lungsod.
Ayon kay Lt. Mables, bago ang pagkakaaresto nila sa suspek ay unang nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pagbebenta umano nito ng illegal na droga kaya isinailalim nila ito sa validation.
Nang makumpirma na positibo ang ulat, agad bumuo ng team si Lt. Mables saka ikinasa ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-7:22 ng gabi sa Kawal St., Raffle 2, Brgy. 28, matapos umanong bintahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska sa suspek ang nasa 201 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P1,366,800 at buy bust money na isang P500 bill at 6-pirasong P1,000 boodle money.
Sasampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article II of R.A. 9165 “Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002” sa Caloocan City Prosecutor’s Office. Rene Manahan