MANILA, Philippines- Ipinag-utos ng Food and Drug Administration (FDA) na bawiin ang ilang batch ng Triocef antibiotic sa merkado dahil sa depektibong kalidad nito.
Sa FDA Advisory No.2025-0093, boluntaryong sinimulan ang pagbawi ng Cathay Drug Company Inc. ang ilang Tricef oral drops (Cefixime) matapos makumpirma ng third-party lab test na ang produkto ay hindi naabot ang required quality standards base sa chemical assay tests na isinagawa ng nasabing laboratoryo.
Ang iniutos na bawiin mula sa Philippine market ay ang mga sumusunod na lot ng Triocef 20 mg/mL granules para sa suspension na may kani-kanilang expiry date: 24A39/Enero 2026; 24B54/Pebrero 2026; 24C43/Marso 2026; 24E58/Mayo 2026; at 24F66/Hunyo 2026.
Ang Triocef ay gawa ng JM Tolmann Laboratories Inc. na nakabase sa Quezon City habang ang Cathay Drug ang marketing authorization holder.
Ang nasabing antibiotic ay ginagamit bilang gamot sa acute brochitis, pneumonia, UTI, gonorrhea, scarlet fever, typhoid fever, sinusitis, tonsilitis at pharyngitis bukod pa sa iba pang bacterial diseases.
Pinayuhan din nito ang publiko na huwag gamitin o bilhin ang mga tinukoy na lots at iulat ang kanilang tuloy-tuloy na pagbebenta o pamamahagi sa pamamagitan ng email sa [email protected]. Maaari ding tawagan ang FDA Center for Drug Regulation and Research sa (02) 8809-5596.
Anumang pinaghihinalaang masamang reaksyon na naranasan mula sa paggamit ng mga produkto ay dapat iulat kaagad sa FDA sa pamamagitan ng bit.ly/FDAPHReportSideEffect. Jocelyn Tabangcura-Domenden