Home NATIONWIDE TRO ng SC vs Bangsamoro Autonomy Act iginagalang ng Palasyo

TRO ng SC vs Bangsamoro Autonomy Act iginagalang ng Palasyo

276
0

MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na iginagalang nito ang desisyon ng Korte Suprema nang magpalabas ng temporary restraining order laban sa implementasyon ng Bangsamoro Act, na nire-reallocate ang pitong parliamentary districts na unang itinalaga sa Sulu.

”Kung iyan po ang desisyon ng Supreme Court, iyan naman po ay igagalang. Kung ano po ang inuutos ng Supreme Court, magku-comply naman po ang pamahalaan,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Nauna rito, naglabas ng TRO ang Korte Suprema laban sa pagpapatupad ng Bangsamoro Autonomy Act No. 77 o Bangsamoro Parliamentary Redistricting Act of 2025, na naglalayong baguhin ang mga distrito sa loob ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa special en banc session noong Setyembre 15, 2025, pinagsama ng Korte Suprema ang dalawang petisyon—G.R. No. E-02219 at G.R. No. E-02235—na parehong tumutuligsa sa bagong batas. Ang naturang TRO ay agarang ipinatupad upang pansamantalang ipatigil ang Commission on Elections (COMELEC), Bangsamoro Transition Authority (BTA), at iba pang kinauukulan sa pagpapatupad ng BAA 77 habang dinidinig pa ang kaso.

Magugunitang, ipinasa ng BTA ang BAA 77 noong Agosto 19, 2025, limang araw matapos magsimula ang election period na itinakda ng COMELEC para sa halalan sa Oktubre 13, 2025. Nilalaman ng batas ang muling paghahati at pagreredistrito ng mga parliamentary seats sa BARMM, kabilang ang pitong puwesto na dati ay nakatalaga sa lalawigan ng Sulu.

Ayon sa mga petitioner, nilabag umano ng BAA 77 ang Voter’s Registration Act at iba pang probisyon para matiyak ang malinis, mapayapa, at patas na halalan. Giit nila, labag ito sa Konstitusyon at maaaring makaapekto sa kredibilidad ng darating na halalan sa rehiyon.

Inatasan naman ng Korte Suprema ang COMELEC at BTA na magsumite ng kanilang komento sa loob ng limang araw mula sa pagtanggap ng abiso. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here