MANILA, Philippines – Napanatili ng Tropical Storm Carina ang lakas nito bagamat bahagyang bumilis habang kumikilos sa direksyong northwestward.
Ayon sa PAGASA, ang bagyong Carina ay huling namataan 545 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora taglay ang lakas ng hanging 65 kilometro kada oras at pagbugso na hanggang 80 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa direksyong northwestward sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Wala pang nakataas na babala ng bagyo ngunit hindi inaalis ng PAGASA ang posibilidad na magtaas ng Signal No. 1 sa Extreme Northern Luzon at northeastern portion ng mainland Cagayan.
Inaasahang magdadala ng malalakas na ulan ang bagyong Carina sa ilang bahagi ng Luzon sa susunod na tatlong araw, o mula Linggo ng gabi hanggang Lunes ng gabi sa northeastern portion ng mainland Cagayan at eastern portion ng Babuyan Islands sa 50 hanggang 100mm na ulan.
Nasa 50 hanggang 100mm na ulan din ang inaasahan sa Batanes at Babuyan Islands mula Lunes ng gabi hanggang Martes ng gabi.
Bagama’t inaasahan na malayo sa mainland ng bansa, posibleng lumakas pa ito at maging isang severe tropical storm pagsapit ng Lunes at maging isang Typhoon pagsapit ng Martes. RNT/JGC