Home METRO Tserman sa CamSur todas sa riding-in-tandem

Tserman sa CamSur todas sa riding-in-tandem

CAMARINES SUR – Patay ang isang barangay chairman matapos pagbabarilin ng mga riding-in-tandem sa harap ng kanyang tindahan ng karne sa bayan ng Pili, iniulat ngayong umaga.

Kinilala ng Police Regional Office-5 (PRO-5) Director Brig. Gen. Andre Dizon ang biktima na si Nerio Braza, kapitan ng Barangay San Juan, Pili.

Batay sa ulat ng Pili Municipal Police Station, naganap ang pamamaril bandang 5:10 AM sa tapat ng meat shop ng biktima.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Camarines Sur Provincial Police Office, dalawang suspek na nakasuot ng bonnet at sakay ng motorsiklo ang walang habas na nagpaputok kay Braza, na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan, dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Matapos ang krimen, tumakas ang mga salarin sa hindi pa matukoy na direksyon.

Patuloy pa ring inaalam ang motibo sa krimen. Sinusuri na rin ng mga imbestigador ang mga CCTV footage sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation at malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad upang mahuli ang mga responsable sa insidente.

Nagpahayag ng pakikiramay si Brig. Gen. Dizon sa pamilya ng biktima at tiniyak na gagawin ng pulisya ang lahat upang malutas ang kaso.

“We shall remain firmly committed to maintaining peace and order in the region and to preventing similar acts of violence in the future,” pahayag ni Dizon.

Hinikayat rin niya ang publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa imbestigasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang makabuluhang impormasyon na maaaring magdulot ng pag-usad sa kaso. Mary Anne Sapico