Home METRO Tserman utas sa tambang sa Cotabato

Tserman utas sa tambang sa Cotabato

1
0

COTABATO – Kinondena ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza nitong Lunes ang sunod-sunod na insidente ng karahasan sa lalawigan, kabilang ang pagpaslang sa isang barangay chairman sa kaniyang bayang Carmen.

Tinambangan ng mga armadong lalaki si Barangay Cadiis Chairman Arnel Aliudin habang sakay ng sasakyan sa Barangay Kibudtungan, Carmen, noong Linggo. Idineklarang patay si Aliudin sa ospital, habang sugatan ang dalawa niyang kasama.

Hinikayat ni Mendoza ang mga awtoridad na imbestigahan ang pag-atake at tugisin ang mga responsable, kasabay ng pagtiyak na hindi palalampasin ng pamahalaang panlalawigan ang mga naturang insidente.

Binanggit din niya ang sagupaan noong Hulyo 28 sa pagitan ng naglalabang angkan dahil sa alitan sa lupa sa Barangay Estado, Matalam, na ikinasawi ng isang residente at ikinasugat ng dalawa pa.

Dahil sa putukan, hindi bababa sa 100 residente ang lumikas sa barangay center, habang ang iba ay nagtungo sa Barangay San Roque sa kalapit na Kidapawan City.

Nananatiling hindi nareresolba ang matagal nang sigalot sa kabila ng ilang dayalogo at iba pang interbensyon.

Nagpahayag din si Mendoza ng pagkabahala sa umano’y pananakit sa isang estudyante sa Kidapawan City.

Nanawagan siya sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Department of the Interior and Local Government, at mga kinauukulang local government unit na imbestigahan ang mga insidente.

Hinimok din ng gobernador ang publiko na magbigay sa mga awtoridad ng mahalagang impormasyon at iwasang magpakalat ng fake news. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here