Home NATIONWIDE Tsina binatikos ng solon sa 10 dash line: ‘Kakaiba iyong mapa nila’

Tsina binatikos ng solon sa 10 dash line: ‘Kakaiba iyong mapa nila’

MANILA, Philippines- Matinding binatikos ng isang mambabatas ang China sa ipinalabas na “standard map” nito na nagpapakita ng 10-dash line, pawang binago sa unang 9 dash line noon, dahil hindi ito katanggap-tanggap dahil mas lalong pinalawak nito ang kinakamkam sa South China Sea.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Imee Marcos na hindi katanggap-tanggap ang naturang mapa kaya nakatakdang maghain ng protesta ang Pilipinas laban dito.

“Siyempre hindi natin tinatanggap iyon. Talagang kakaiba iyong ginawa nilang mapa at hindi natin tanggap. Hindi rin tanggap ng Vietnam, hindi rin tanggap ng India. Marami nang nag-protesta roon,” giit niya.

“Unfortunately, kahit mainit na ulo natin, pikon na pikon na tayo sa pang-aapi sa ating mangingisda, sa ating Coast Guard, talaga ang tanging first line of defense talaga ay diplomasya. Tiis-tiis pa rin, wala tayong magawa. Anumang pangungusap at pangungulit at pagdi-dialogue eh mas mainam pa rin kesa sa giyera,” ayon kay Marcos.

“I think pinahiwatig na natin sa ating mga colleagues na Chinese representatives at ipaalam natin sa kanila na talagang hindi tayo sang-ayon dito,” dagdag niya.

Samantala, sinabi naman n Sen. JV Ejercito na dapat magkaisa ang “right-thinking nations” laban sa China.

Binatikos din ni Ejercito ang China sa intimidasyon at pagiging mas agresibo nito.

“Hindi nga tayo pumapabor sa 9-dash line, 10-dash line pa… Even India, pumalag na rin po sa 10-dash line. Sana magsama-sama na iyong right-thinking nations, those with disputes also with China. There’s strength in numbers. Admittedly, hindi natin kaya ang Tsina. We will always be bullied they are a super power. Talagang maliit na bansa tayo,” aniya.

“Siguro malaki ang tsansa natin if we will forge an alliance with other countries. Lalo na sa mga merong may dispute ang China… at allies natin. United States, Japan, Australia, and even South Korea. Tapos iyong mga may dispute: Malaysia, Indonesia, Vietnam, and now india. Dapat siguro magbuklod-buklod ang mga bansang ito para mapanatili iyong freedom of navigation in the Indo-Pacific area,” dagdag niya.

Sinabi ni Ejercito na pabor siya sa paghahain ng diplomatic protest laban sa China pero kailangang bigyan ng prayoridad ang AFP modernization.

“Kailangan natin magkaroon ng respectable force na hindi naman iyong binu-bully lang… We have to put up what the AFP calls the minimum credible defense posture, iyong kahit paano respetable. And I think we’re on the way there. Kaya nga po last year, when the AFP budget was cut in half, we restored it in the Senate. In fact, dinagdagan pa natin. Because of the situation, we have to prioritize this na makahabol tayo doon sa horizon 3… Doon sa external defense system na ito, missile system, submarines,” paliwanag niya.

Noong 2016 sa panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, ibinasura ng Permanent Court of Arbitration ang nine-dash line ng China. Ernie Reyes