MANILA, Philippines- Matinding kinondena ni Senador Risa Hontiveros ang pagpapadala ng malaking pwersa ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) na umano’y tila pag-aari nila ang buong karagatan.
Sinabi ni Hontiveros na masyadong mapangahas ang plano ng China na magpadala ng dambuhalang pwersa upang harangin ang civilian mission sa Panatag Shoal.
Nabulgar ang sinasabing pagpapadala ng pwersa ng China upang harangin ang ikalawang paglalayag ng “Atin Ito Coalition” mula Mayo 15 hanggang 17 sa post ni maritime expert Ray Powell sa X nitong Lunes.
Ayon kay Hontiveros, hindi dapat at walang dapat humarang o manggipit sa lalahok sa Atin Ito Coalition at hindi sila dapat matakot sa kanilang paglalayag.
“It is outrageous how China is reportedly sending a huge force to block this civilian mission. Kung maka-asta ang Tsina, akala mo sa kanila ang karagatan,” aniya.
Binatikos din ni Hontiveros ang China sa umano’y pagkalalat ng kasinungalingan hinggil sa civilian mission na pawang pakana umano ng Pilipinas at Amerika.
“But this, “cannot be further from the truth,” giit ng senador.
“This group of ordinary and private citizens simply wants to deliver goods to fellow Filipinos whom China has long deprived of food and livelihood,” ayon kay Hontiveros.
“The coalition should be free to navigate within our Exclusive Economic Zone (EEZ). Bilang mga Pilipino, karapatan nilang lumayag sa EEZ ng Pilipinas,” patuloy niya.
Sinabi ni Hontiveros na karapatan ng civilian mission na maglayag sa Panatag Shoal o mas kilala bilang Bajo de Masinloc.
“This is our territory. These are our waters. This is ours and only ours,” pagbibigay-diin ni Hontiveros.
Noong nakaraang Pasko, hinarang ng China ang convoy ng sibilyan na magdadala ng supplies sa tropang Pilipino na nakaistasyon sa Ayungin Shoal. Ernie Reyes