MANILA, Philippines – Naaresto ng mga awtoridad ang isang Chinese national na si alias Ping matapos masabat ang ₱9.1 milyon halaga ng hindi rehistradong vape sa Barangay Prenza, Marilao, Bulacan noong Mayo 20.
Ayon sa CIDG, nakumpiska ang 26,000 piraso ng “Eutral” brand vape products. Kinasuhan ang suspek sa paglabag sa Republic Act 11900 dahil sa hindi pagpaparehistro ng produkto sa DTI at BIR.
Pahayag ni CIDG Director Maj. Gen. Nicolas Torre III, malaking tulong ang operasyon sa pag-iwas sa posibleng panganib sa kalusugan dulot ng mga ilegal na vape. Ayon sa kanya, bahagi ito ng utos ng PNP na paigtingin ang kampanya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad.
Hinimok din ni Torre ang publiko na iulat ang mga ilegal na aktibidad sa kanilang lugar. RNT