MANILA, Philippines – Pinabulaanan ni Cabinet Secretary Benhur Abalos Jr., ang tsismis na nagbitis sa kanyang puwesto si Health Secretary Ted Herbosa dahil sa mga reklamong may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa P1.8 bilyong mobile clinic procurement program, mga isyu sa mga expired medicine, at paggamit umano ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program para sa layuning pampulitika.
Sa isang panayam, sinabi ni Abalos na may kinalaman sa operasyon sa kanyang (Herbosa) tuhod na nauwi nga sa pagsusumite nito ng kanyang letter of resignation
“May nabasa kasi ako kanina. wala iyon… wala iyon. He’s just a good friend. Nagkroon siya ng operation sa kanyang tuhod. Iyon nga, nandun iyon sa kanyang letter of resignation na kanyang isinumite. There’s no truth to the rumor na sinasabing .. ganoon siya…,” ani Abalos.
Binisita aniya niya si Herbosa sa ospital. Kinamusta niya ang dating Kalihim sabay sabing “He is a good friend.”
Nauna rito, kinumpirma ng Malakanyang na nagbitiw na sa pwesto si Herbosa.
Idinahilan ni Herbosa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang kondisyon sa kalusugan.
“Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw bilang Kalihim ng Department of Health si Dr. Jose S. Pujalte Jr. baon ang malawak na karanasan at natatanging pamumuno bilang doktor, hospital administrator, guro at lingkod-bayan na may mahigit na tatlong dekada sa pagsusulong ng pampublikong pangkalusugan, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Tinanggap aniya ng Pangulo ang resignation letter ni Herbosa.
Sa kabilang dako, naging bahagi ng DOH si Dr. Pujalte Jr. taong 1991 at natapos ang kaniyang orthopedic residency sa Philippine Orthopedic Center noong 1994.
Nagtapos si Dr. Pujalte Jr. sa kursong medisina sa University of the Philippines College of Medicine at kalaunan ay nagtamo ng Master’s Degree sa Hospital Administration mula sa Ateneo Graduate School of Business.
Noong 20028 kinilala rin bilang Career Executive Service Eligible, isang patunay ng kaniyang kakayahan at kahandaan sa parehong larangan ng paggamot at public administration.
Nagsilbi rin siyang guro sa University of the Philippines-Manila, FEU Nicanor Reyes Medical Foundation at San Beda College of Medicine.
“Sa kaniyang pagpasok sa DOH, inaasahang pangungunahan ni Dr. Pujalte Jr. ang ahensiya sa pagpapatuloy ng mga hakbang ni Pangulong Marcos Jr. upang higit na mapatatag ang healthcare system sa bansa, maisulong ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan at maisulong ang mabuting kalusugan para sa lahat,” ang sinabi ni Castro.
Sa ulat, sinabi di umano ni Herbosa na kailangan niyang sumailalim sa tatlo hanggang apat na buwan na extensive rehabilitation matapos ang isang kamakailang medical procedure.
Sinabi pa umano ni Herbosa na “I find it unfair that I will not be able to devote my full time and effort to important matters of the DOH.”
Matatandaang itinalaga si Herbosa bilang kalihim ng DOH noong 2023 matapos magsilbi bilang isa sa mga pangunahing public health adviser ng administrasyong Marcos.
Mariin namang itinanggi ni Herbosa ang anumang gawain, habang iginiit ng DOH na ang mga programa nito ay sumusunod sa umiiral na mga regulasyon ng pamahalaan at layuning mapabuti ang serbisyong pangkalusugan.
Samantala, sinabi naman ni Castro na hindi nabanggit ang patungkol sa mga kaso ni Herbosa at ang isinaalang-alang ng Pangulo ay ang kalusugan ng dating Kalihim. (KRIS JOSE)