BULACAN, Philippines – Patuloy na bumababa ang antas ng tubig sa Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan kahit nagsimula na ang tag-ulan, ayon sa National Water Resources Board (NWRB).
Ayon kay NWRB Executive Director Dr. Sevillo David Jr., nasa halos 166 metro na lamang ang lebel ng tubig sa dam, na mas mababa ng halos 14 metro sa minimum operating level na 180 metro.
Dahil dito, pinaigting ng NWRB ang panawagan sa pagtitipid ng tubig, pansamantalang itinigil ang pagpapalabas ng tubig para sa irigasyon, at naghahanap ng mga alternatibong pinagkukunan ng tubig upang matiyak ang suplay para sa Metro Manila.
Sinabi ni David na prayoridad ngayon ang suplay ng tubig para sa Metro Manila habang mababa pa ang antas ng Angat Dam. Nakasuspinde na rin ang water release para sa irigasyon mula pa noong Mayo matapos ang dry cropping season.
Inihayag din niya na mula pa noong Marso ay naghanda na ang mga ahensya ng mga alternatibong mapagkukunan ng tubig tulad ng deep wells, water treatment facilities, at Laguna Lake, matapos magbabala ang PAGASA tungkol sa posibleng paglitaw ng El Niño.
Binabantayan din ng NWRB ang inaasahang pagpasok ng Tropical Storm Mekkhala sa Philippine Area of Responsibility (PAR), na tatawaging Francisco. Bagama’t hindi inaasahang direktang tatama sa watershed ng Angat Dam, maaari nitong hilahin ang Habagat na magdadala ng karagdagang ulan sa lugar.
Ayon sa PAGASA, makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao dahil sa epekto ng bagyo. RNT/MND