Home NATIONWIDE Tugboat sumadsad, 3 crew nasagip

Tugboat sumadsad, 3 crew nasagip

MANILA, Philippines – Sumadsad ang isang tugboat sa baybayin ng Batangas matapos makaranas ng engine trouble, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa PCG, agad na pinakilos ang Coast Guard response team nito kasunod ng kahilingan ni Captain Pablito Solibaga para mahila ang MTug JCPCI Sofia na nagkaaberya sa katubigang sakop ng Maricaban Island, Calatagan, Batangas.

Base sa imbestigasyon, ang tugboat ay umalis sa dry dock sa Lucena, Quezon patungong Navotas at habang dumadaan sa Calatagan, ito ay sumadsad dahilan para masira ang rudder post at nagdulot ng steering issue.

Kinumpirma naman ng coast guard response team na lahat ng dokumento ng tugboat ay kumpleto at valid.

Tatlong crew ang ligtas na nailipat sa MTug Mimosa of Harbor Star Shipping Services Inc.

Nagpasya naman si Capt. Solibaga na manatili sa tugboat upang tignan ang towing operation patungong Bauan Anchorage Area.

Sinabi ng Coast Guard District Southern Tagalog na ang tugoat ay sasailalim sa assessment ng MTP Marine Services para ayusin ang nasirang rudder post. Jocelyn Tabangcura-Domenden