MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Chiz Escudero na wala pa silang natatanggap na opisyal na pleading mula sa Kamara ukol sa impeachment ni VP Sara Duterte.
Nauna nang sinabi ng House of Representatives na hindi muna nila tatanggapin ang ibinalik na impeachment complaint dahil gusto nilang hingan ng paliwanag ang Senado ukol rito.
Ani Escuredo na dapat pormal na isinusumite ang mga komunikasyon sa pamamagitan ng pleadings at hindi press release, dahil nakabuo na ang impeachment court.
“Hindi ko nais komentaryuhan ‘yan dahil una, balita lang ‘yan. Ni hindi ko alam kung totoo dahil wala pa naman kaming natatanggap. Lahat ng komunikasyon, sa ngayon na may impeachment court na, sa pamamagitan na ng pleading at hindi press release o ang presscon,” ayon sa senate president.
Bumoto ang Senado na ibalik muna sa Kamara ang articles of impeachment hangga’t hindi nito natitiyak ang pagsunod sa Konstitusyon at kahandaang ituloy ang kaso.
Ayon kay Speaker Romualdez, susunod ang Kamara sa mga kinakailangan ng impeachment court.
Iginiit din ni Escudero na dapat sundin ng Kamara at ni VP Sara ang mga utos at summons ng korte. RNT






