MANILA, Philippines – ARESTADO ang isang hinihinalang tulak ng iligal na droga at nakumpiska ang may P375,360.00 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng Quezon City Police Batasan Police station 6 sa Quezon City kahapon, Pebrero 16.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) district director PCOL. Melecio M Buslig kinilala ang nadakip na suspek na si Rosdan Saturnino, Jr., 39-anyos, at residente ng Brgy. Old Balara, QC.
Sinabi ni PLTCOL Romil C Avenido, station Commander ng Police station 6 na nitong alas 11:30 ng gabi noong Pebrero 16, 2025, nagsagawa ng buy-bust operation ang PS 6 sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kahabaan ng Luzon Avenue corner Mafran, Brgy. Old Balara, Quezon City.
Isang pulis ang nagsilbing poseur buyer at bumili ng P3,500.00 halaga ng shabu mula sa suspek, at sa ibinigay na pre-arranged signal, siya ay inaresto.
Ayon sa pulisya, nakumpiska sa suspek ang 55.2 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P375,360.00, isang coin purse, isang cellular phone, at ang buy-bust money.
Sasampahan ng kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang nadakip na suspek.
Kaugnay nito, pinuri naman ni PCOL Buslig, Jr. ang walang patid na dedikasyon ng mga operatiba ng PS 6 sa kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
“Ipagpatuloy natin ang masigasig na pagpapatupad ng batas laban sa kriminalidad, lalo na sa ilegal na droga, upang maprotektahan ang ating mga mamamayan dito sa Lungsod,” ayon pa sa opisyal ng QCPD police. Santi Celario