NAVOTAS CITY, Philippines – Nalambat ng mga awtoridad ang isang umano’y drug pusher na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.6 milyong halaga ng shabu sa buy bust operation sa Navotas City.
Sa kanyang ulat sa Northern Police District (NPD), kinilala ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela ang naarestong suspek na si alyas “Ian”, 32, helper at resident ng Brgy., San Jose ng lungsod.
Naaresto ang suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Navotas Police dakong alas-8:18 ng gabi sa Bagong Silang St., Brgy., San Jose nang bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Bago ang pagkakaaresto sa suspek ay unang isinumbong ng isang Regular Confidential Informant (RCI) sa SDEU ang umano’y ilegal drug activities nito kaya isinailalim siya sa validation.
Matapos makumpirma na positibo ang report, kaagad ikinasa ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Jay An Perturbos ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.
Nasamsam sa suspek ang humigi’t kumulang 98.85 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P672,180 at buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at 39 pirasong P1,000 boodle money.
Sinampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Navotas City Prosecutor’s Office. RENE MANAHAN