Home METRO Tulak timbog sa higit P1 milyon shabu sa Caloocan

Tulak timbog sa higit P1 milyon shabu sa Caloocan

MANILA, Philippines – Kulong ang isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P1 milyon halaga ng shabu makaraang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Col. P/Capt. Regie Pobadora ang naarestong suspek na si alyas “Kuya”, 47, ng Sta Monica, Hagonoy, Bulacan.

Ayon kay Capt. Pobadora, ikinasa nila ang buy bust operation matapos magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa kanyang mga tauhan ng P36,000 halaga ng shabu.

Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na poseur buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba ng DDEU dakong alas-3:18 ng madaling araw sa Reparo Linis, Brgy. 161, Caloocan City.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 150 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P1,020,000.00, buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at 35-pirasong P1,000 boodle money, sling bag, cellphone keypad, at gamit niyang motorsiklo.

“This operation is a testament to the NPD’s unwavering commitment to eradicating illegal drugs and creating a safer environment for the residents of Metro Manila,” ani NPD Director.

“We urge the public to continue supporting our efforts by reporting any illegal drug activity to the authorities. Together, we can make our communities safer,” dagdag niya.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) under the Republic Act (R.A.) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Rene Manahan