Home NATIONWIDE Mga ospital naka-alerto na ‘Holiday Heart Syndrome’

Mga ospital naka-alerto na ‘Holiday Heart Syndrome’

MANILA, Philippines – Nakaalerto na ang mga hospital para bantayan ang mga sakit na may kaugnayan sa tinatawag na Holiday Heart Syndrome sa gitna ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, sinabi ng Department of Health (DOH).

Ayon sa DOH, ang Holiday Heart Syndrome ay isang kondisyon na dulot ng labis na pag-inom ng alak, stress, kawalan ng pahinga, at sobrang pagkain ng maaalat o matatabang pagkain na maaaring tumaas ang presyon ng dugo.

Ito ay maaaring humantong sa arrhythmia o abnormal na ritmo ng puso na isa sa mga sanhi ng stroke.

Sa Philippine Heart Center (PHC) lamang ay may 60 kaso ng stroke ang naitala mula Hulyo hanggang Nobyembre 2024.

May karagdagang pitong kaso din ang naitala sa ospital bago ang Pasko, mula Disyembre 1 hanggang 20.

Sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City, mayroong 339 na stroke discharges na naitala mula Enero hanggang Nobyembre.

Nauna nang pinaalalahanan ng DOH ang mga Filipino na iwasang kumain ng labis na matatamis, maalat at mataba sa gitna ng Kapaskuhan.

Hinikayat din ng ahensya ang publiko na gamitin ang “Pinggang Pinoy” bilang gabay sa pagkain sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, upang mapanatili nila ang balanse at malusog na diyeta. Jocelyn Tabangcura-Domenden