MANILA, Philippines – Naantala ang biyahe ng mga residente sa pagitan ng Antique at Aklan matapos na masira ang bahagi ng Bacalan Bridge sa Sebaste, Antique dahil sa malalakas na pag-ulan dulot ng Bagyong Opong nitong Biyernes, Setyembre 26.
Dahil sa pagsasara ng Bacalan Bridge ay naapektuhan ang biyahe sa mga bayan ng San Jose, Sebaste, at Libertad sa Antique, patungo sa Kalibo, Aklan.
Ayon kay Antique Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) chief Broderick Train, ininspeksyon na ng mga engineer mula sa Department of Public Works and Highways in Western Visayas (DPWH-6) ang istruktura.
Sinabi naman ni Engr. Godwin Ledesma ng Regional Equipment Management Division ng DPWH na naghahanda na ang ahensya sa paglalagay ng Bailey bridge na pansamantalang magdurugtong sa national highway habang sumasailalim sa major repair ang Bacalan Bridge.
Wala namang itinakdang tagal ng panahon sa pagsasaayos nito, at nakadepende pa rin sa pagbibiyahe ng backhoe unit at mga materyales mula San Jose.
Humingi na si Sebaste Mayor January Padpad ng karagdagang heavy equipment mula sa Culasi municipal government para mapabilis ang pagpapalit sa tulay.
“If people want to reach the northern part, they will have to walk across and then take another ride to continue to their destination in northern Antique,” ani Train.
Maaaring tumawid sa istruktura ang mga residenteng naglalakad, ngunit bawal ang mga sasakyan.
Bukod dito ay wala nang ibang tulay ang napinsala sa Antique, bagamat anim na tulay at kalsada sa probinsya ang hindi madaanan sa kasagsagan ng bagyo.
Sa ulat ng OCD-6, nasa 89,519 indibidwal o 25,880 pamilya sa 283 barangay sa Antique ang apektado ng bagyong Opong. RNT/JGC