Home NATIONWIDE Tulong ng DA sa 1,142 OrMin farmers na sapul ng El Nino...

Tulong ng DA sa 1,142 OrMin farmers na sapul ng El Nino umarangkada na

MANILA, Philippines – UMARANGKADA na ang tulong na cash assistance mula sa Department of Agriculture (DA) para sa 1,142 magsasaka na apektado ng El Nino sa mga bayan ng Mansalay at Bulalacao sa Oriental Mindoro na ang mga pananim ay nasalanta ng patuloy na tagtuyot.

Ayon sa Department of Agriculture (DA) ang mga pondong ipinamahagi sa mga magsasaka ay kinuha mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund–Rice Farmers Financial Assistance Program (RCEF-RFFA), ayon sa Mimaropa regional field office (RFO) ng DA.

Sinabi ni Rustico Mortel Generoso, municipal information officer ng Mansalay, noong Biyernes na 215 magsasaka mula sa kanyang bayan ang nakatanggap ng PHP5,000 bawat isa noong Huwebes bilang cash assistance.

Ang mga pondo ay ipinamahagi sa parehong araw na isinailalim sa state of calamity ang bayan dahil sa pagkasira ng sektor ng agrikultura ng El Niño.

Kaugnay nito sa bayan ng Bulalacao, may 927 magsasaka na nasira ang mga pananim dahil sa tagtuyot ang nakatanggap ng kanilang cash assistance noong Miyerkules, ayon kay Maria Theresa Carido, alternate focal ng Disaster Risk Reduction Management ng DA RFO Mimaropa.

Samantala may kabuuang 2,559 na magsasaka mula sa ikalawang distrito ng Oriental Mindoro ang karapat-dapat na tumanggap ng tulong na pera sa ilalim ng programang RCEF-RFFA.

Ang DA ay naglaan ng PHP13,178,850 para sa inisyatiba.

Kaugnay nito, ang mga magsasaka sa unang distrito ng Oriental Mindoro ay tatanggap ng kanilang cash assistance sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair mula Marso 9 hanggang 10, 2024 sa lungsod na ito.

Sinabi ng DA na asahan nilang matatanggap ang suportang pinansyal sa oras ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lalawigan.

Sa ilalim ng RCEF, ang mga kwalipikado sa RFFA Program ay mga palay farmers na nasa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at may sakahan na dalawang ektarya pababa.

Sinabi ni DA Regional Executive Director (RED) Christopher Bañas na gumagawa sila ng paraan para makapagbigay ng pangmatagalang tulong sa mga apektadong magsasaka. Santi Celario

Previous articleVAT exemption sa COVID meds, devices inalis ng FDA
Next articleUtang ng Tape, Inc. sa GMA-7 umabot ng P57M!