Home NATIONWIDE Tulong para sa pamilya ng nawawalang Pinoy seafarer tiniyak ng DMW

Tulong para sa pamilya ng nawawalang Pinoy seafarer tiniyak ng DMW

MANILA, Philippines- Nagpaabot na ng tulong at suporta ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pamilya ng Filipino seafarer na si Ralph Anthony Bobiles na dalawang buwan nang nawawala habang sakay ng Panama -flagged vessel Prestige Ace.

Sinabi ni Migrant secretary Hans Leo Cacdac na kapag may nawawalang seafarer, dapat ipaalam agad sa pamilya ang tungkol sa imbestigasyon at anumang nauugnay na ulat na maaaring makatulong upang tiyak na ipaalam sa kanila ang nangyayari.

Sinuspinde ng DMW ang lisensya ng manning agency at inobligang magsumite ng full investigation reports sa pagkawala ng marino.

Si Ralph na isang deck cadet ng barkong Prestige Ace ay iniulat na nawawala noong Disyembre 5, 2024 habang nasa ruta mula sa Vera Cruz, Mexico patungong Baltimore, USA.

Bigo rin ang manning agency na iulat ang insidente sa Baltimore authorities nang dumaong sa Baltimore, USA.

“We are coordinating with the Department of Foreign Affairs (DFA) and the Philippine Embassy to seek report on this case. We are taking action against the manning agency and principal shipowner until they fully explain what happened on board,” sinabi ni Cacdac.

Nakipagkita si Cacdac sa pamilya ni Bobiles upang masiguro sa kanila ang lahat ng kinakailangang tulong at suporta mula sa DMW kabilang ang financial assistance at iba pang kinakailangang suporta. Jocelyn Tabangcura-Domenden