Home NATIONWIDE Tulong sa mahihirap sa gitna ng inflation, palakasin – Bong Go

Tulong sa mahihirap sa gitna ng inflation, palakasin – Bong Go

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Christopher “Bong” Go ang gobyerno na palakasin ang interbensyon at pamimigay ng tulong sa mga mahihirap upang matugunan ang tumitinding epekto ng inflation sa mga pinaka-bulnerableng populasyon sa bansa.

Ito ay kasunod, anang senador, ng istatistika na nagpapahiwatig ng pagtaas ng inflation rate na lubhang nakaaapekto sa mga pamilyang may mababang kita.

Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagbibigay ng suporta at kaluwagan upang matiyak na walang Pilipinong maiiwan sa landas ng pagbangon ng bansa.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, noong Martes, nakita ang pagbilis ng inflation rate sa 3.4% noong Pebrero, mula sa 2.8% noong Enero. Bagama’t ang rate ay nasa loob ng forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nababahala pa rin ang mga economic analyst at policymakers.

Pangunahing iniuugnay rito ang pagtaas ng presyo ng pagkain at mga inuming hindi nakalalasing, transportasyon, at mga kagamitan sa bahay.

Upang maibsan ang problema sa pananalapi sa mga pamilyang Pilipino, kamakailan ay isa si Go sa nag-co-author at nag-co-sponsor ng Senate Bill No. 2534, na naglalayong dagdagan ng P100 ang minimum na sahod sa buong bansa. Ang panukala ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado noong Pebrero 19.

Nilalayon din nitong sumunod sa mandato ng Konstitusyon na pahusayin ang antas ng pamumuhay ng karaniwang Pilipino, partikular sa uring manggagawa.

Nauna rito, binigyang-diin ni Go ang pangangailangang palakasin ang mga programang panlipunan para sa mahihirap na malayo sa katiwalian o pang-aabuso.

“I think around four million Filipinos walang trabaho, jobless. So, maraming magugutom. May mga pamilya po ‘yan. Kailangan nilang kumain. Umaga, tanghali, at hapunan. Tulungan natin,” ani Go sa kanyang panawagan na unahin ang job creation at food security bilang fundamental needs ng Pilipino. RNT

Previous articleDaniel, binansagang ‘Daniel The Explorer’!
Next articleMaine, sinabing ‘coming soon’ na ang baby!